Thursday, August 21, 2008
DR. JAIME ARISTOTLE ALIP, NAMUMUKOD NA SAN PABLEÑO
San Pablo City – Kaugnay ng pagdiriwang ng ika-68 anibersaryo ng pagkakatatag ng Lunsod ng San Pablo, si Dr. Jaime Aristotle Alip ay napiling isa sa The Outstanding San Pableños.
Siya ay pinarangalan ng pangasiwaan ng Lunsod sa isang pagtitipon sa Coco Palace Hotel and Restaurant noong Martes ng gabi, kasama ng iba pang maipagmamalaking anak ng pamayanang kilala bilang Lunsod ng Pitong Lawa.
Si Dr. Alip ang nagsimula noong 1986 ng isang micro finance project sa Lalawigan ng Laguna na tinatawag na Center for Agricultural and Rural Development (CARD) upang makapagkaloob ng walang panagot na pautang na umaabot sa P2,000 upang maitulong sa mga mahihirap na mamamayan na matulungan ang kanilang sarili.
Ngayon, ang CARD Group of Companies ay 160,000 kliyente o natutulungan na ang nakararami ay kababaihan na matatagpuan sa lahat ng sulok ng bansa.
Umaasa si Alip na bago sumapit ang taong 2009 ay makakatulong na sila sa 1 milyong sambahayan sa pamamagitan ng pagpapahiram ng puhunan na halos ay walang patong na tubo.
Ang kanilang mga kliyente ay sinasanay sa wastong pagbibili ng ano mang artikulo ng kalakalang kanilang malilikha, pangangasiwa ng kanilang munting negosyo, pagpapaunlad ng produktong sandigan ng kanilang hanapbuhay at iba pang kamalayan tungo sa ikapagtatagumpay ng pamumuhunan.
Si Dr. Alip ay tumanggap na ng mga pagkilala at pagpapahalaga mula sa mga lider ng mga papaunlad na bansa dito sa Asia na nakikinabang sa kanyang micro-financing project, at ang kauna-unahang pagkilala sa kanya ay kaloob ni Pangulong Corazon C. Aquino. (THE WEDNESDAY HERALD, May 7-13, 2008, vol. XXVII No. 36)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment